1. Linggo ng umaga, sa Hardin ng RosasBatid kong may pangako ang umagang
ito ng isang maaliwalas na araw.
Pagbaba sa limang baytang na hagdan,
(hawak ng magkabilaang kamay
ang isang tasa ng kape at istik ng sigarilyo)
didiretso sa puwestong itinilaga ng sarili.
Dito, kita ang mga nahamugang sasakyan
ng mga nakatira sa hardin. Sa di kalayuan,
nagsisimula ng magwalis ang tagalinis
ng bilding. Isinusuksok sa dala niyang
sako ang isang linggong dumi at kalat
na sinalo at inipon ng lupa;
naiwang basyo ng bote ng bir,
plastik ng minudmod na tsitirya,
balat ng kending nirolyo, upos ng sigarilyo
at mga dahong sumirko sa hangin
bago tuluyang bumagsak.
Tulog pa ang karamihan, ang iba nama’y
nagbubukas na ng kurtina’t bintana
upang pumasok ang hanging dala ng umaga.
Sa pagsindi ng sigarilyo, saka nagsimula
ang pag-usad ng ulirat at isip.
Humigop ng kape, muntik nang
mapaso ang labing nahihimbing pa.
Ilang saglit lang, dinig ang umpugan
ng mga kuwadradong sementong
ginawang daanan. Nakita ang papalayong
lakad ng taong naging katabi sa pagtulog.
Walang paglingong naganap, sanay na
sa pagtanggi at anim na araw na pagtakas.
Ngayong Linggo ng umaga, sa Hardin ng Rosas,
malulusaw ang mga alaalang hinubog
ng magdamag. Upang sa susunod
na pagkikita, maging sariwa muli ang lahat.
2. Pag-ibig Kung iguguhit ko ang hugis ng pag-ibig
hindi ito pusong inukit sa katawan
ng puno ng mangga.
Kundi isa itong dahon
na naligaw sa binagsakang lupa.
Na nadurog, nang matapakan
ng naghahabulang
magkasintahan.
3. Susi Kahit ako’y nagdalawang-isip
na ibigay sa iyo ang kakambal ng aking susi,
nanaig ang pagnanasa kong
anumang oras sa maghapo’t magdamag,
bubukas ang nakapinid kong pinto
at bubulaga sa aking harapan
ang iyong kabuuan.
Sa ganitong pagkakataon,
nangangarap din ako na sana’y
buksan mo rin ang aking puso
na hindi na kailangan ng susi,
dahil kusa ko itong binuksan
upang ika’y papasukin.
Rommel Rodriguez