Tuesday, April 15, 2008

PAGBAGTAS SA GABI NG LAGIM

Habang binabagtas ko ang madilim na daan pauwi sa amin, patuloy kong kinakalma ang aking sarili. Puno ako ng takot at pangamba sa kung anong pangyayaring bubulaga sa akin na maaaring magdala sa akin sa sitwasyon ng pagpili ng buhay o kamatayan. Aba, sabi nga ng matatanda, iba na ang ating panahon. Kaya doble ang aking pag-iingat. Lalo na ngayon, tumataas na naman ang grapo ng kriminalidad. (Mukhang x approaches infinity at wala na atang limit).

Subalit, sa patuloy kong pag-iisip, natukoy ko ang maaari kong iturong salarin. Kung sino ang tunay na kriminal na nagtulak para sa ilan na kumapit sa patalim at itaya ang buhay ng may mailapat lamang sa kumakalam na sikmura...

PAGBAGTAS SA GABI NG LAGIM

Ihakbang mo ang iyong mga paa
Ng walang takot at pangamba.

Hayaan ang liwanag ng buwan
Ang maging tanglaw sa daan.

At kung may mga aninong
Makasalubong at makasama
Tanging ipasok sa isipan
Na sila'y mga kaluluwa
Na tulad mong kumakapa
Sa kadiliman ng gabi
Ng lagim.

Kaya walang dapat ipangamba
Ang kailangan ay pagtitiwala
Lalo pa't walang pagkakaiba
Ang buwan sa araw,
Gabi sa umaga,
Sa lipunang di makaahon
At pilit ibinabaon
Sa karalitaan ng kahapon.

(mariocarlosevero)

No comments: