Friday, January 23, 2009

Buhayin ang kultura ng malikhaing pagsusulat

Sana may maka-isip na buksan ang blog na ito upang magsulat muli...
Sa nga yon may i-po-post akong dagli....

Agaw Tingin
Mario Carlo M. Severo

Nahuli mo ang aking paningin. Sa iyong tingin, tila nais mon akong dalhin sa kakaibang byahe ng ligaya. Bumogay ako. Unti-unti kong hinayaang mamangha ang aking mata sa iyong katawan. Dahan-dahan nitong hinubad ang saplot mong two-piece hanggang mailantad ang iyong laman. Bumuluga sa akin ang mala-dyosang alindog. Nagsimula nang maglaro ang aking utak. Pinagpapawisan at nag-iinit. Sumisidhi ang aking pagnanasa. Naninigas at nanggagalaiti. Anong saya ang nakamit! Anong sarap ang nalasap! Anong langit ang nadama!

At tumambad ang nakasisilaw na liwanag. Kasabay ng pagkakahuli sa ningning, nawala ka sa paningin. Nawala ang saya. Nawala ang sarap. Nawala ang langit. Nabingi sa lakas ng busina. Muntikan nang mahagip. Nagising ang utak. Hayun ka, isang pantasyang katawan na bumabandera sa lansangan.

Sana... (Napadaan lamang)

Wow! Naalala ko pa ang tamang password ng ating blog. Kaso nga lang, may nagbubukas pa nga ba nito? May nagbabasa pa nga ba?

Hay, sayang naman. Maganda sana kung napanatili ang pag-po-post ng mga akda dito kahit na natapos na (at maraming araw na ang nagdaan) ang isang semestreng samahan. Sayang talaga. Magandang paraan rin sana (sa pamamagitan ng blog na ito) ang pagpapalitan ng mga opinyon at karanasan, lalo't pa patuloy ang pagtakbo ng oras at pag-ukit ng kasaysayan- maraming kaganapan sa ating paligid ang nakaaapekto sa atin - gumigimbal, gumugulat, nagpapagalit, nagpapatawa, nagpapasaya at kung anu-ano pa. Maganda sanang namnamin ang bawat opinyon at kuro-kuro ng bawat isa, lalo na sa malikhaing paraan ng pagpapahayag - pagsusulat.

Ewan ko nga ba kung bakit ko sinasabi ang mga ganitong bagay! Masaya naman ako sa araw na ito. Ngarag nga lang sa kabundok na gawain. Kabi-kabila ang pagsusulit at eksamen. Sabay-sabay ang pag-uulat. Patung-patong ang mga reading materials. Ngunit, akalain mong nakapagsusulat pa ako dito...hahaha. Masaya lang talaga ata ako ngayon (sa aking personal na buhay). Subalit, kung tatanungin mo ako ng aking nararamdaman ukol sa mga nangyayari sa bansa at sa mundo, kabaliktaran ang aking nadarama!

Maraming sana ang nasa utak ko ngayon. Mga sana na hindi ko alam kung matutupad o mangyayari pa. Marahil sa takdang panahon. O kaya sa hindi tiyak na kinabukasan. Pero sa ngayon, mananatili silang sana pagkat mag-isa lamang ako - isang ahente sa isang panlipunang istruktura. Ang mga sanang ito ay ang kabaliktaran ng mga istruktural na mga suliranin ng paligid. Mga sana lamang ito pagkat wala akong kakayahan (mag-isa) na isakatuparan ang mga ito.

Ano ang mga sana? Ewan ko kung bakit nahihirapan akong ipahayag ang mga ideyang ito. Ayoko namang manatili lamang sila na mga produkto ng aking isip. Sa kabilang dako, mahirap magsalita. Mahirap talaga ang mag-isa sa isang kapaligirang balot ng kadiliman, kasakiman at kaguluhan. Yun lamang ang masasabi ko sa ngayon. Ano naman ang layunin ko sa "pagsasabi ng mga sanang hindi masabi?" Nagpaparamdam lamang. Naghahanap ng karamay, sa sinumang makapagsasabi ng mga hinaing 'di ko maisiwalat. Nang sa gayon, hindi na ako mag-isang ahente. Ang mga sanang ito ay magkakaroon ng porma, anyo, at istruktura - pamalit sa nangingibabaw na istruktura. Ang mga sanang ito ay hindi na lamang ideya. Panibagong buhay na ideolohiya ang isisilang sa pamamagitan ng maraming ahente na naniniwala sa sanang ito.

Sana. Sana. Sana...

Mario Carlo M. Severo

Tuesday, April 15, 2008

PAGBAGTAS SA GABI NG LAGIM

Habang binabagtas ko ang madilim na daan pauwi sa amin, patuloy kong kinakalma ang aking sarili. Puno ako ng takot at pangamba sa kung anong pangyayaring bubulaga sa akin na maaaring magdala sa akin sa sitwasyon ng pagpili ng buhay o kamatayan. Aba, sabi nga ng matatanda, iba na ang ating panahon. Kaya doble ang aking pag-iingat. Lalo na ngayon, tumataas na naman ang grapo ng kriminalidad. (Mukhang x approaches infinity at wala na atang limit).

Subalit, sa patuloy kong pag-iisip, natukoy ko ang maaari kong iturong salarin. Kung sino ang tunay na kriminal na nagtulak para sa ilan na kumapit sa patalim at itaya ang buhay ng may mailapat lamang sa kumakalam na sikmura...

PAGBAGTAS SA GABI NG LAGIM

Ihakbang mo ang iyong mga paa
Ng walang takot at pangamba.

Hayaan ang liwanag ng buwan
Ang maging tanglaw sa daan.

At kung may mga aninong
Makasalubong at makasama
Tanging ipasok sa isipan
Na sila'y mga kaluluwa
Na tulad mong kumakapa
Sa kadiliman ng gabi
Ng lagim.

Kaya walang dapat ipangamba
Ang kailangan ay pagtitiwala
Lalo pa't walang pagkakaiba
Ang buwan sa araw,
Gabi sa umaga,
Sa lipunang di makaahon
At pilit ibinabaon
Sa karalitaan ng kahapon.

(mariocarlosevero)

Monday, March 24, 2008

Hay! Kainis! Ang tagal gumawa ng blog para sa geog...ang tagal mag-up load ng pictures. Hay, kelan ko kaya ito matatapos? Deadline pa naman ngayong araw....
Habang naghihintay sa matagal na pag-up load, heto at gagawa muna ako ng aking tula...

Sa Lilim ng Shed

Malakas na ulan
Tila nais na hilamusan
Ang lumuluhang mukha
Ng ika'y makita
Na may kasamang iba.

Tinatanong ko tuloy,
Kung bakit ko pang minarapat
Na ika'y pagmasdan,
Na huwag munang lumisan;
Hindi sana nananaghoy
Ang pusong magtatapat.

Ngayon, hindi ko na alam
Kung ano pa ang pakiramdam,
Masakit pala ang magmahal
Lalo na kung hindi pa nabibigkas.

(mariocarlosevero)

Thursday, March 6, 2008

PERSONA NI PITCH BLACK POET BLG.2

Kahapon ko rin ito ginawa, ngayon ko lang pinost, wala lang...

Itong tulang ito ay ginawa ko dahil magreretire na akong maging ganoon, loko lang... Dapat ba seryoso dito?

Sino ba nakakaalam ng meaning ng "HARDCORE ROMANTICIST"?

Pakisabi sa akin kung bawal itong ipost, paki-delete nalang...hehe

Hayy, ano bang ma masarap, siomai o isaw? XD

Mamimiss ko kayo lahat!!! Layo pa, hehe...

Pakisabi na lang kung may kulang o mali, o kung may komento, suhestyon, o violent reaction, pakitago na lang...hehe


HARDCORE ROMANTICIST (Ang taong naging ako)

Kami’y nabubuhay
sa likod ng aming kwaderno,
na binutas ng mga kamay-
gigil na gigil.
Naghihintay sa tabi,
sa iyong pagdaan,
ang buhok ang mukhang
inihaharap sa iyo.

Kahit panandalian,
maamoy ang halimuyak
ng mahabang buhok
na nakalugay,
o nang pabangong gamit,
nagiging samyo sa ritwal
tuwing takip-silim.

Isang tula ang nagagawa
sa bawat mong tingin;
pero kapag ngumiti,
yellow pad ay napupuno
ng aishiteru, sarahamnida
o je t’aime. Ngunit
bolpen ay wala nang tinta
kapag I Love You
o Mahal Kita.

Kailan kaya maririnig
ang tinig na para sa akin?
At kailan lilipad
at mapapadpad sa’yo
ang mga salitang naibaon
sa lumang kwaderno?
Siguro, darating ang araw na yaon
kapag sinabon ko na
ang mahaba kong buhok.

Natapos noong: Marso 4, 2008 11:52:11 am

PERSONA NI PITCH BLACK POET BLG.1

Madami-dami narin pala ang naglalagay dito, dahil wala akong magawa, makikisali na rin ako.

Ok lang ba na magpost ng madami dito sir? Wala lang...

Patapos na ang semestr, kalungkot naman, wala bang MP's na sunod dito? Suggest naman kayo ng iba pang interesting na subjects...

Di ko na pahahabain, ito na yung tula ko, sana magustuhan ninyo...XD


BERDUGONG TULA

Ang tula ay tulad ng tabak
na humahawi sa mga bulok nang sanga.
Ito'y matalim, malalim kung tumarak
sa mga manhid at tanga.

Dapat ito'y kasing tulin ng palaso
hindi nagmimintis, at tumutugis.
Ang lakas ay nasa panang bato,
ang hapdi ay walang kawangis.

Ito'y kasing liit ng patalim
ngunit madaling gamitin.
Walang bakas ng kalawang o itim,
malinis at pwedeng manalamin.

Walang kinikilingan, isang espada
na dalawa ang talim, kahit ang may hawak.
Dapat mabigat, talim 'di dapat mawala
at magdulot ng sugat, mahapdi at malawak.


(Natapos noong Marso 3, 2008 10:27:45 am)

Arjean Banting 2007-16075

Monday, February 25, 2008

Sulyap. Masid. Titig.

Hay, sa unang pagkakataon, nakapag-post ako ng akda. Hindi talaga kasi ako nag-po-post sa blog eh. Wala kasi akong oras para gawin ito. Kaya naman nalulugod ako dahil nagawa ko ito.

Hindi kagandahan ang aking tula. Pero may nais iparating. Alay ito kay ______________ . Sa hindi malamang kadahilanan, ginugol ko ang aking oras upang i-type ito. Hindi malinaw sa akin kung ano nga ba ang aking layunin sa pagsulat nito. Batid ko lamang na alay ko ito para kay __________, ngunit hindi ko naman kilala. Nakikita ko s'ya, yun lang ang aking alam. Basta kayo na lang bahala humusga. Kung magugustahan n'yo salamat. Kung hindi naman ay salamat na rin. At least, pinag-aksayahan n'yo ng panahon upang basahin.


Sulyap, Masid, Titig

Naaaninag na
mukha
Ng makapangyarihang
mata
Salat sa
pagkilala
Estrangherong
mahiwaga.
Hindi batid ang
pagkakakilanlan
Hindi alam ang
ngalan
Nasasalat lamang ang
kabuuan
Nakikita at
nailalarawan.
Ewan ko nga
ba
Ba't mistulang
tanga
Kinukutya na't
pinupuna
Ng mga aninong
kilala
Basta, sa bawat
pagsulyap
Sa mga masid at
pagtitig
Larawan mo'y
ginuguhit
Sa diwa at
isip
Wala ng halaga
pa
Sabihin ng
iba
Ang tangi kong
inaalala
Lihim kang
sinisinta.

(mariocarlosevero)