Tuesday, April 15, 2008
PAGBAGTAS SA GABI NG LAGIM
Subalit, sa patuloy kong pag-iisip, natukoy ko ang maaari kong iturong salarin. Kung sino ang tunay na kriminal na nagtulak para sa ilan na kumapit sa patalim at itaya ang buhay ng may mailapat lamang sa kumakalam na sikmura...
PAGBAGTAS SA GABI NG LAGIM
Ihakbang mo ang iyong mga paa
Ng walang takot at pangamba.
Hayaan ang liwanag ng buwan
Ang maging tanglaw sa daan.
At kung may mga aninong
Makasalubong at makasama
Tanging ipasok sa isipan
Na sila'y mga kaluluwa
Na tulad mong kumakapa
Sa kadiliman ng gabi
Ng lagim.
Kaya walang dapat ipangamba
Ang kailangan ay pagtitiwala
Lalo pa't walang pagkakaiba
Ang buwan sa araw,
Gabi sa umaga,
Sa lipunang di makaahon
At pilit ibinabaon
Sa karalitaan ng kahapon.
(mariocarlosevero)
Monday, March 24, 2008
Habang naghihintay sa matagal na pag-up load, heto at gagawa muna ako ng aking tula...
Sa Lilim ng Shed
Malakas na ulan
Tila nais na hilamusan
Ang lumuluhang mukha
Ng ika'y makita
Na may kasamang iba.
Tinatanong ko tuloy,
Kung bakit ko pang minarapat
Na ika'y pagmasdan,
Na huwag munang lumisan;
Hindi sana nananaghoy
Ang pusong magtatapat.
Ngayon, hindi ko na alam
Kung ano pa ang pakiramdam,
Masakit pala ang magmahal
Lalo na kung hindi pa nabibigkas.
(mariocarlosevero)
Thursday, March 6, 2008
PERSONA NI PITCH BLACK POET BLG.2
Itong tulang ito ay ginawa ko dahil magreretire na akong maging ganoon, loko lang... Dapat ba seryoso dito?
Sino ba nakakaalam ng meaning ng "HARDCORE ROMANTICIST"?
Pakisabi sa akin kung bawal itong ipost, paki-delete nalang...hehe
Hayy, ano bang ma masarap, siomai o isaw? XD
Mamimiss ko kayo lahat!!! Layo pa, hehe...
Pakisabi na lang kung may kulang o mali, o kung may komento, suhestyon, o violent reaction, pakitago na lang...hehe
HARDCORE ROMANTICIST (Ang taong naging ako)
Kami’y nabubuhay
sa likod ng aming kwaderno,
na binutas ng mga kamay-
gigil na gigil.
Naghihintay sa tabi,
sa iyong pagdaan,
ang buhok ang mukhang
inihaharap sa iyo.
Kahit panandalian,
maamoy ang halimuyak
ng mahabang buhok
na nakalugay,
o nang pabangong gamit,
nagiging samyo sa ritwal
tuwing takip-silim.
Isang tula ang nagagawa
sa bawat mong tingin;
pero kapag ngumiti,
yellow pad ay napupuno
ng aishiteru, sarahamnida
o je t’aime. Ngunit
bolpen ay wala nang tinta
kapag I Love You
o Mahal Kita.
Kailan kaya maririnig
ang tinig na para sa akin?
At kailan lilipad
at mapapadpad sa’yo
ang mga salitang naibaon
sa lumang kwaderno?
Siguro, darating ang araw na yaon
kapag sinabon ko na
ang mahaba kong buhok.
Natapos noong: Marso 4, 2008 11:52:11 am
PERSONA NI PITCH BLACK POET BLG.1
Ok lang ba na magpost ng madami dito sir? Wala lang...
Patapos na ang semestr, kalungkot naman, wala bang MP's na sunod dito? Suggest naman kayo ng iba pang interesting na subjects...
Di ko na pahahabain, ito na yung tula ko, sana magustuhan ninyo...XD
BERDUGONG TULA
Ang tula ay tulad ng tabak
na humahawi sa mga bulok nang sanga.
Ito'y matalim, malalim kung tumarak
sa mga manhid at tanga.
Dapat ito'y kasing tulin ng palaso
hindi nagmimintis, at tumutugis.
Ang lakas ay nasa panang bato,
ang hapdi ay walang kawangis.
Ito'y kasing liit ng patalim
ngunit madaling gamitin.
Walang bakas ng kalawang o itim,
malinis at pwedeng manalamin.
Walang kinikilingan, isang espada
na dalawa ang talim, kahit ang may hawak.
Dapat mabigat, talim 'di dapat mawala
at magdulot ng sugat, mahapdi at malawak.
(Natapos noong Marso 3, 2008 10:27:45 am)
Arjean Banting 2007-16075
Monday, February 25, 2008
Sulyap. Masid. Titig.
Hindi kagandahan ang aking tula. Pero may nais iparating. Alay ito kay ______________ . Sa hindi malamang kadahilanan, ginugol ko ang aking oras upang i-type ito. Hindi malinaw sa akin kung ano nga ba ang aking layunin sa pagsulat nito. Batid ko lamang na alay ko ito para kay __________, ngunit hindi ko naman kilala. Nakikita ko s'ya, yun lang ang aking alam. Basta kayo na lang bahala humusga. Kung magugustahan n'yo salamat. Kung hindi naman ay salamat na rin. At least, pinag-aksayahan n'yo ng panahon upang basahin.
Sulyap, Masid, Titig
Naaaninag na
mukha
Ng makapangyarihang
mata
mahiwaga.
pagkakakilanlan
ngalan
kabuuan
nailalarawan.
Ewan ko nga
ba
tanga
pinupuna
kilala
pagsulyap
pagtitig
ginuguhit
isip
pa
iba
inaalala
sinisinta.
(mariocarlosevero)
Tuesday, February 12, 2008
Tatlong Tula ng Pagsinta
1. Linggo ng umaga, sa Hardin ng Rosas
Batid kong may pangako ang umagang
ito ng isang maaliwalas na araw.
Pagbaba sa limang baytang na hagdan,
(hawak ng magkabilaang kamay
ang isang tasa ng kape at istik ng sigarilyo)
didiretso sa puwestong itinilaga ng sarili.
Dito, kita ang mga nahamugang sasakyan
ng mga nakatira sa hardin. Sa di kalayuan,
nagsisimula ng magwalis ang tagalinis
ng bilding. Isinusuksok sa dala niyang
sako ang isang linggong dumi at kalat
na sinalo at inipon ng lupa;
naiwang basyo ng bote ng bir,
plastik ng minudmod na tsitirya,
balat ng kending nirolyo, upos ng sigarilyo
at mga dahong sumirko sa hangin
bago tuluyang bumagsak.
Tulog pa ang karamihan, ang iba nama’y
nagbubukas na ng kurtina’t bintana
upang pumasok ang hanging dala ng umaga.
Sa pagsindi ng sigarilyo, saka nagsimula
ang pag-usad ng ulirat at isip.
Humigop ng kape, muntik nang
mapaso ang labing nahihimbing pa.
Ilang saglit lang, dinig ang umpugan
ng mga kuwadradong sementong
ginawang daanan. Nakita ang papalayong
lakad ng taong naging katabi sa pagtulog.
Walang paglingong naganap, sanay na
sa pagtanggi at anim na araw na pagtakas.
Ngayong Linggo ng umaga, sa Hardin ng Rosas,
malulusaw ang mga alaalang hinubog
ng magdamag. Upang sa susunod
na pagkikita, maging sariwa muli ang lahat.
2. Pag-ibig
Kung iguguhit ko ang hugis ng pag-ibig
hindi ito pusong inukit sa katawan
ng puno ng mangga.
Kundi isa itong dahon
na naligaw sa binagsakang lupa.
Na nadurog, nang matapakan
ng naghahabulang
magkasintahan.
3. Susi
Kahit ako’y nagdalawang-isip
na ibigay sa iyo ang kakambal ng aking susi,
nanaig ang pagnanasa kong
anumang oras sa maghapo’t magdamag,
bubukas ang nakapinid kong pinto
at bubulaga sa aking harapan
ang iyong kabuuan.
Sa ganitong pagkakataon,
nangangarap din ako na sana’y
buksan mo rin ang aking puso
na hindi na kailangan ng susi,
dahil kusa ko itong binuksan
upang ika’y papasukin.
Rommel Rodriguez
Kung bakit mahirap magsimula
So, ayun na nga. Masarap magsulat, kahit minsan nakakadugo ng utak.
Pasensiya na. Drained ako ngayon at aaminin kong bangag pa ako. Four hours na tulog, sh**! Kainis! At maingay pa ang fair kagabi [o kaninang madaling-araw] habang nakatitig ako sa monitor at nag-iisip kung paano isasalba ang lathalaing apat na araw na mula nang masimulan ay wala pa ring nararating.
Hay.
Huling masasabi ko, malungkot ako ngayon. Hindi lang halata. Kung bakit ako malungkot? Malapit ninyo nang malaman.
---mmc
Monday, February 4, 2008
Kring!Kring! Ano kamo?
______________________________________________________________________
Kring!Kring! Ano kamo?
Hay, naku bakit ba kasi yan sinasabi sa akin ng kausap ko masyadong masakit sa ulo. Nahawa na sa tatay niyang mahilig sa pulitika na pagkausap ako hindi mawawala ang usaping iyon. Nagsisimula sa problema sa anak tapos sa pamilya mismo. Hindi rin mawawala yung tungkol sa pera na siyempre isisisi sa ekonomiya at yan politika na ang sunod. Naku, puro problema yata. Ganun din ang nanay niya puro din problema. Parang ganun din anak, pamilya, pera, ekonomiya at pulitika pero siyempre may showbiz na pasingit-singit kung mapagusapan. Nakakatawa, kasi ganung ganun din itong kausap ko. Isko daw kasi siya kaya dapat nakikialam siya sa nangyayari sa lipunan para daw alam niya kung ano magagawa niya. Oh! diba ayos. Sana nga ganun, pero bakit ganun madalas ang simula ng pag-uusap namin “may assignment ba?” Aba, malay ko diba. Naku, gusto niyang makatulong sa bansa sarili niya di niya matulungan. Hay naku! Ang sakit na ng tenga ko. Minsan kasi dami daming sinasabi wala namang laman. Hanggang dito na lang kwento ko yun lang kasi naalala ko kasi yun lang nairecord. Buti na lang nairecord kung hindi wala akong makukwento sabi ko naman sayo pasok sa isang tenga labas sa kabila ang ugali ko.
“Kriiiiiiing! Kriiiiiiiing!” ang sabi ko. “Hello?” ang sabi sa akin. Hay naku ito nanaman kekerengkeng!
Isinulat ni: Luzsil Ledesma ;p
Tuesday, January 29, 2008
Patalastas
Sir Rommel